DNA TEST RESULT nina Angeline Quinto at ng babaeng nagsasabing siya ang tunay niyang ina, NEGATIVE!

Sunday, July 1, 2012



Sinubaybayan ng buong bayan ang paghahanap ng pop superstar na si Angeline Quinto sa kanyang tunay na ina. At sa buong journey na ito ni Angeline, exclusive na na-cover ng The Buzz ang bawat pagdaanan ng singer. Hanggang lumantad nga ilang linggo na ang nakakaraan itong si Veronica Tolentino na nagsasabing siya ang tunay na ina ni Angeline. Umabot na ang kwento sa pagpapa-DNA test nilang dalawa, at pati na rin ng ama ni Angeline na si Pop Quiros. Noong Byernes ay naganap ang inaabangang DNA testing. At ngayon, matapos ang ilang araw... lumabas na ang resulta ng pagsusuri na una at exclusive niyo pa ring narinig sa The Buzz. 


Nag-match ang DNA samples nina Angeline at ng kanyang amang si Pop. Samantalang ang DNA samples naman ng singer at ng nagke-claim na tunay niyang ina... hindi nag-match! Negative! Ibig sabihin, hindi ito ang tunay niyang ina. At si Mang Pop ay totoong tatay niya. Masayang-malungkot si Angeline sa naging resultang ito. 

"Ayun po natutuwa po ako na si papa ko talagang tatay ko po tapos siyempre yung mga nakilala ko po simula nung bata ako na mga pamilya ko, talagang kapamilya ko. Pero siyempre may halo din pong lungkot kasi nakita niyo naman po yung naging reaksyon ni Aling Veronica talagang umiyak siya nung niyakap niya ko. Sabi ko nga po pasensya na po kayo siguro po ganun talaga. Tapos sabi niya, tinatanong nga po niya ko bakit daw ganun alam daw po kasi talaga niyang anak niya ko. Naiyak nga din po ako kanina pero pinigilan ko kasi ayokong makita niyang umiiyak ako, tapos ang sabi ko na lang po sa kanya na sana hindi magtagal ay makita na rin niya yung mga anak niya," ang sabi ni Angeline.

Samantala, ayon naman kay Aling Veronica kahit sobrang nalungkot siya sa naging resulta, laking pasasalamat niya sa atensyong binigay sa kanya ni Angeline.

"Angeline salamat sa binigay mo na atensyon sa akin na ginastusan mo. Alam mo na mabigat sa loob ko kasi nga alam ko na anak kita at si Ronron parang hindi ko makaya para kong binagsakan ng lupa at langit. Pero anak, anak pa rin ang tawag ko sayo wag mo lang ipagkait na anak pa rin ang tawag ko sana wag kang magbago [cries]... Napakasaya ko pag nayayakap kita anak. Nadampian mo lang ako ng balat ko pakiramdam ko mamatay na ako sa saya hindi lang ako makatulog. Sana matagpuan mo na ang tunay mong nanay, pero hanggang sa mamatay ako mamahalin pa rin kita kung di man kita tunay na anak kasi ramdam ko sa puso ko na anak talaga kita," emosyonal na pahayag ni Aling Veronica.

Kasunod nito ay isang panawagan naman ang binitawan ni Aling Veronica para sa taong nagsabing si Angeline Quinto ang tunay niyang anak...

"Jun sguro nakita mo na ko sa The Buzz, Jun please yung mga anak ko san niyo dinala ng nanay mo, nagmamakaawa ako magpakita ka sakin Jun. Mga anak ko nasaan na ba si Ronron saka si Angelie kasi baka ikamatay ko naman na hindi ko pa sila nakikita. Sabihin mo naman sakin yung totoo dahil sinabi mo sakin na si Angeline Quinto ang anak ko. Magpakita ka sa akin alam mo ang bahay namin sa Pandacan hindi ka maano o gusto mo dito ka sa ABS-CBN magpunta. Please lang parang awa mo na, wag mo naman akong lokohin na si Angeline Quinto ang anak ko. Makita ko lang sila ni Ronron masaya na ko."

Samantala, matapos ang lahat ng ito, patuloy pa rin ang magiging paghahanap nina Angeline sa kanyang tunay na ina lalo pa't pinangalanan na ito ng kanyang ama. Nasaan na nga kaya ang tunay na nanay ni Angeline? Nasaan na kaya si ROSEMARIE MABAO?

0 comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template On The Road by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP