Matt Evans, ayaw nang balikan ang girlfriend matapos ang gulong nagdala sa kanya sa kulungan!

Monday, October 29, 2012

Sa pagharap ni Matt Evans kahapon kay Boy Abunda sa The Buzz, detalyado nang inilahad ng aktor ang bersyon niya ng kwento, ng diumano'y bugbugang nangyari between him and his girlfriend Jelline Hickins at kapatid nitong si Juan Alberto. Matatandaang last October 21, nakulong si Matt sa Pasig City Police Headquarters dahil sa reklamo ng girlfriend at kapatid nito na diumano'y sinaktan ng aktor. Sa presinto na rin sinalubong at ipinagdiwang ni Matt ang kanyang birthday noon namang October 22.


Diretsahan ang naging pagtatanong ni Tito Boy kay Matt, una na nga rito ay ang paglilinaw kung totoong galit ang aktor ng mangyari ang insidente.

"Nagalit ako Tito Boy kasi ang daming dinagdag na kwento. Saka ang daming kulang na hindi nila sinabi na mga totoong nangyari," pag-amin ni Matt.

Nasa ugali niya ba ang mambugbog ng babae? Mainitin ba ang ulo niya?
"Kahit sinong tao, hindi ho kayang manakit kaagad agad. Una ho sa lahat hindi ho ako bayolenteng tao, saka para manakit ho (iling)."

"Mainit ho ang ulo ko kapag ka siyempre hindi natin maiiwasan kapag pagod kapag puyat, pero para mag-init kaagad ng ulo hindi ho. Hindi naman."

Totoo bang nanadyak ba talaga siya ng tao noong gabi ng insidente?
"Hindi po."

Ano ang totoong nangyari noong Sabado ng gabing iyon, ayon kay Matt?
"Uminom po kami nun ng mga kaibigan ko. Galing ho ko ng Showtime, tapos dinaanan ko yung mga kaibigan ko. First time nilang bumisita sa bahay at nandun po si Jelline. Mga hapon pa po mga 430. Nag-aano kami na uminom saglit kasi siyempre po first time nilang dumating. Siyempre ako po yung host ng mismong kasiyahan, ang nangyari siyempre hindi ako pwedeng masyadong uminom. Saka una ho sa lahat may iniintindi rin ho akong bata at medyo nagluluto rin ho ako nun."

Ilan silang nag-inuman?
"Mga ano po, 8. Si Jelline umalis po siya nung nandun na yung mga kaibigan ko kasi ang sabi niya maggo-grocery sila ng kapatid niya. Kaya naiwan po kami dun. Pagkatapos ho namin mag inuman eh di umalis na ho yung mga kaibigan ko, saka lang ho dumating nung gabi na si Jelline saka yung kapatid niya. Umalis po siya mga around 530 in the afternoon, (umuwi ng) mga eleven. Umalis po yung mga kaibigan ko so hindi na ho sila nag-abot sa bahay. Tapos dumating sila tinanong niya ko, “nasan yung mga kaibigan mo? Bakit mo pinauwi?” Sabi ko hindi ko sila pinauwi. Sabi ko bakit ko naman papauwiin? Tapos na kaming uminom, medyo nagkausap usap kami, may mga pag iinsist siya na pinauwi mo eh. Sabi ko hindi ko nga pinauwi. Tapos medyo hindi na ho maganda yung mga tono ng pag uusap namin, kaya naisip ko sabi ko, alam ko na kung saan pupunta to. Kaya nagpupumilit ako lumabas. Nasa second floor kami nun nagpipilit ako na bumaba. At pinipigilan niya po ako. Nung nandun na ho ako sa may hagdan banda, pinipigilan niya, medyo umistruggle po kami… nadulas siya. Nahulog siya. Sinundan ko ho siya at yung kapatid niya nasa baba ho. So pagdulas niya hong ganun pumunta yung kapatid niya nakita niya ho siguro na yung kapatid niya medyo gumulong ho. Hindi ho nag-roll pero tumama ho dun sa may hagdan tapos sinuntok niya ko sa hita. Kumuha rin siya ng kutsilyo kaya lumayo ho ako umakyat ho ako sa taas."

Pero bakit sa bersyon ng kabilang kampo, kumuha rin siya ng kutsilyo?
"Wala naman hong kutsilyo sa taas Tito Boy eh."

Hindi raw nagtanong ang kapatid ng babae kung anong nangyari, at si Jelline mismo, hindi raw sinabi sa kapatid niya ang nangyayari sa kanila ni Matt. Pagkatapos ng engkwentro ay humingi na raw ng tulong sa barangay ang magkapatid. 

Lasing ba si Matt noong nangyari ang gulo?
"Nakainom po. Kasi una sa lahat hindi ho ako makakapag asikaso ng anak ko at hindi ho ako makakapag luto kung lasing ho ako."

Nang makulong si Matt diumano ay tatlong beses pang dumalaw ang girlfriend niya sa kanya. Sa mga pagdalaw na ito, sinubukan ba ni Matt na makipag-ayos?
"Nakiusap po ko na tigilan na namin. Na wala naman itong pupuntahan kundi demandahan, naiintindihan nya naman ho na ayokong makipagtalo pero hindi ko ho alam bakit kailangan niyang magalit dahil umalis yung mga kaibigan ko dahil iniisip niya pinaalis ko, hindi ko po alam Tito Boy."

Bakit nagalit si Jelline porket umalis lang ang mga kainuman ni Matt? Dahil ba sa birthday surprise na pina-plano diumano nito at ng kapatid, para sa aktor? Iniinis siya kunwari para mas may impact ang sorpresa?
"Ganun ho yung naisip ko kasi sinabi niya ho sa akin na may plano daw sila na ina-arrange ng kuya niya. So iniisip ko na baka ganun yung ginagawa nila na nakipagtalo siya kunwari na walang plano. Ang alam ko ho sinabi niya sakin na may gift daw siya na nasa baba. Kaya siguro din noong pinipilit kong bumaba, kaya niya din siguro ko pinipigilan dahil meron siyang regalo sa baba."

Habang nasa kulungan, ano ang iniisip niya tungkol sa babaeng ina ng kanyang anak?
"Sa totoo lang galit ako nun. Galit ako. Pero nagmamakaawa ako kasi, walang kakwenta kwenta yung pinagmulan. Sobrang hirap, nangingibabaw yung galit mo pero nandun pa rin yung pagmamahal mo. Hindi ko gusto na maging ganun yung resulta namin. Hindi ko gusto na maapektuhan din yung bata."

Bago raw ang pangyayaring ito, walang maituturong galit o away si Matt, na magpapaliwanag kung bakit humantong sa pagpapakulong ang lahat. Mapag-uusapan pa ba nila ang kasong ito?
"Sa tingin ko Tito Boy mapapag-usapan to. Pero pagkatapos siguro ng pag-aayos, pag uusap, mas pipiliin ko na lang na lumayo kami sa isa’t isa."

Hindi niya na babalikan ang ina ng anak?
"Ayaw ko na po. Hindi na ho Tito Boy. Sigurado po ko dahil sobra sobra po yung pinaranas niya sakin para bumalik pa ko."

Naniniwala ba siyang mahal pa siya ni Jelline?
"Hindi na po. Kung mahal niya ko may sarili ho siyang isip at yun ho ang paniniwalaan niya."

Kung sakaling humingi raw ng tawad ang babae, handa si Matt. Pero...
"Kung para ho sa bata nandito ho ako palagi. Pero kung para ho samin… [iling]."

Sa huli, hiling pa rin ni Matt na matapos na ang gulong ito. At para sa dating ka-relasyon, ito ang kanyang mensahe...
"Jelline alam mo kung gaano kita minahal. Sorry kasi kinakailangang umabot tayo sa ganito sa demandahan. Alam mo, hindi kita kayang saktan. Alam mong hindi kita sinuntok, hindi kita sinipa. Hindi kita kayang saktan."
 

0 comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template On The Road by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP