"Hindi kailanman magiging balakid si Mariel sa aking trabaho," Robin Padilla on pagseselos ni Mariel sa mga eksena niya sa teleserye!

Monday, February 11, 2013

Naging usap-usapan ang muntikan nang paghihiwalay ni Robin Padilla at asawa niyang si Mariel nitong nakaraang week, dahil sa umano'y pagseselos ni Mariel sa mga eksena ni Robin sa teleserye nitong Kailangan Ko'y Ikaw. 

"Sa aking palagay dun nag-umpisa, na parang napakadami din ano kasi eh masyadong nabighani dun sa love scene na yun. Eh siguro parang nabundol siya, yun ang naganap," paliwanag ni Robin.

Pero dagdag ni Robin sa interview niya sa The Buzz, ipinapaalam naman daw niya kay Mariel ang mga eksenang ginagawa niya sa teleserye.

"Yung detalye kung paano nangyari parang ang hirap naman ikwento nun pero lahat ng ginagawa ko sa taping lalo na yung love scene nasasabi ko naman sa kanya yun. Open naman ang aming relasyon," sabi ng aktor.

Gayunpaman, naiintindihan niya raw ang naging pakiramdam ni Mariel.

"Madaling sabihin na maiintindihan mo pero pag nakita mo, iba yun naman eh. Kaya di ko siya masisi. Maraming punto na marahil eh may pagkukulang siya sa mga usapin na dapat ay naintindihan niya dahil nasa showbiz siya, pero dapat din nating tignan siya'y asawa ko pa rin na nagmamahal," depensa ni Robin.


Ayon sa reports, lumayas daw si Mariel sa kanilang bahay at iniwan ang kanilang wedding ring. Kaya umabot pa ito sa puntong pinuntahan siya ni Robin sa kanyang show sa TV-5, kung saan on air na isinuot ng idol ng masa sa kanyang asawa ang singsing. 

"Nangyari yung mga alam mo na, pangteleseryeng mga ganap madaling araw yun. Tapos ako naman maaga kong umaalis ng bahay papunta ng taping naiwan na siya, pero doon sa loob ng usapan na yun, solian na," kwento ni Robin.

"Siyempre hindi naman niya ginagawa yun kaya alam kong seryoso na. Saka ano na eh nagkasolian na eh ng mga ano eh… mabigat na. Pero di ko siya masisisi talaga. Ganun talaga kung ganun siya magmahal. Sana mapag-aralan din niya na matanggap ang mga bagay na ganun."

Pero hindi naman daw tumagal ang tampuhan nilang dalawa, salamat na rin daw dahil napauwi ni Kris Aquino - na siyang pinag-selosan diumano nito, si Mariel kay Robin.

"Oo ang lungkot ko na nun sabi ko wow. [long pause] Tinalo ko na ata yung mga ano sa dami ng naging asawa at nahiwalayan ako parang hindi na maganda. Hindi maganda sa lahat ng klaseng usapin. Kaya ano masayang masaya ko nung sinabi ni Kris na uuwi na."

"Matagal na suyuan yun kasi may pride din naman ako nung una. Sabi ko wala naman akong ginagawang kasalanan bakit naman ako hihingi ng paumanhin. Pero apektado na siya kasi eh. Pero okay na kami wala na kaming problema, okay na kami siguro pang ilang honeymoon na namin ito. Yun naman ang kasunod nun eh pagkatapos ng konting drama... Nangyayari naman yun sa lahat ng mag-asawa lalo na sa amin na ang aming pagsasama ay masasabing isang musmos pa. Ngayon pa lang niya siguro nananamnam na artista yung asawa niya."

Pero ang tanong ng marami, dahil ba rito ay wala nang love scenes o kissing scenes na gagawin si Robin sa kahit anong project niya?
"Bakit magiging bawal? Ganun kasama talaga yun at hindi kailanman magiging balakid si Mariel sa aking trabaho. Yun ang ginawa ko, ng isang asawang lalaking sinuyo ang asawang babae pero hindi ibig sabihin na ibabahag ko naman ang buntot ko para sa asawa ko hindi naman. Kailangan maintindihan din ng asawa ko ang aking punto. Ako artista dito sa KKI. Kung ano sabihin ng direktor, susunod ako. Kung maaapektuhan ang asawa ko, susuyuin ko siya hindi ako magsasawa."

Promo nga lang ba ito para sa teleserye niya?
"Leading lady ko ba si Mariel dito? Alam niyo sa edad kong ito, sa tagal ko sa pelikulang Pilipino at telebisyon, tatlumpung taon na ko dito. Kung tayo'y maglolokohan din lang wag na tayo mag-usap. Ako naman eh di pa naman ako kulang sa pansin. Di nga ko makachicks eh dahil sobrang maraming pansin."

Hindi kaya mabigyan naman ng malisya ang samahan nila ni Kris dahil sa insidenteng ito?
"Basta alam namin ni Kris kung ano ang hangganan namin, kung ano ang napanood ng ating mga kababayan dun ay ginagampanan lang namin ang aming mga papel. Sa edad naming ito hindi namin siguro, sabihin nating tatawirin namin yung ilog na mahirap languyin? Naku hindi. Masaya kami bilang magkaibigan yung ganito kami."

Sa mga nangyaring ito kina Mariel at Robin, mas lalo pang kapana-panabik ang mga susunod na tagpo sa Kailangan Ko'y Ikaw. Wala na kayang selosan na mangyari kapag moment naman nina Robin at Anne sa serye? Abangan natin, at patuloy na manood ng KKI sa bago nitong oras - after Apoy sa Dagat sa ABS-CBN Primetime Bida.

1 comments:

Anonymous,  March 1, 2013 at 1:58 PM  

Alam niyo, pag-usapan niyo na lang ang mga magnanakaw na production assistants ng Be Careful With My Heart! Andaming pinagnanakaw nilang mga gamit mula sa mga talents, tanong niyo na lang, pati mga extra, muntik na malason sa contaminated food na ipinalit nila!

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template On The Road by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP